Monday, June 12, 2023

Bite-Sized Memories: Knick-Knacks | 'paKnick-Knacks'

Nakabili ako ng Knick Knacks kanina kasabay ng paggogrocery. Dampot agad ako kasi P16.00 lang naman at malaki-laki na. Pagkahawak ko sa Knick Knacks, aba naman, para bang malapelikulang rumolyo ang aking ulirat at mala-ipu-ipo akong dinala nito sa nakaraan. Noong mga panahon na ang buhay ko ay walang malay sa mga problema at suliranin ng mundo. Noong mga panahong akala ko, ang pinag-uusapang krudo ay isang eksaherasyon lang ng mga matatanda para may mapag-usapan.

Nung ako ay musmos pa, siguro, mga dalawang beses ako naibili ni tatay at nanay ng Knick Knacks. Yung isa doon, sapilitan pa. Yes! Yung tipong klase ng bata na umaarteng mamamatay na sa kaiiyak maibili lamang ng gusto nila. At kapag di pa rin nakuha ay lulupasay! Hahandusay! Hahawak sa dibdib! Iikot ang ulo! Papatuluin lahat! Luha, pawis, uhog, laway, dugo.. Kaso ayaw tumulo ng dugo kaya nagkisay-kisayan ako! Presto! Naibili ako ng Knick Knacks!

Sa mga oras ng pagkain ko ng Knick Knacks, naku, bawal ang istorbo...kahit kapatid pa kita! Hindi dapat basagin ang trip ko sa pagkaing pinaghirapan ko at pinaglaanan ko ng aking acting skills! Kung uso na nga ang mga video cam at cellphones nun, baka naipasa na ng nanay ko sa mga talent agencies o malamang ay naawardan na: "Best Child Performer in A Pretending Role" ang mga eksenang ginawa ko mapasaakin lamang ang Knick Knacks.

Dahil sa napakahirap ma-getlak ng Knick Knacks, aba, mga 3 oras ko kinakain ang maliit na pakete nyan. At bakit ko mamadaliin??? Eh hindi ko nga alam kung ibibili pa ba ako ng Knick Knacks sa susunod?? At ano naman ang gagawin kong stunt sa susunod? Magkukulong sa kwarto? Uupo sa kumukulong kaldero ng sinigang na niluluto ng tatay ko? Itatali ko leeg ko sa sampayan? Ano? Ano pa? Kaya naman, matagal-tagal kong ninamnam ang glorious moment ko.

Una, sumigaw muna ko ng "Naaaaaaaaaaaaay!!! Pabukaaaaaaaaaas!!!" Bastos lang na bata ano? Matapos ibili, nagsisisigaw? Spoiled talaga ako nung paslit pa ko. Kaya ata kinuha ni Lord ang nanay ko para magtanda ako. Mukhang badtrip si inay, dahil ata imbis na pambili nya ng Perla e napunta pa sa Knick Knacks ko, kaya walk out si mother.

Pangalawa, ako na lang ang nagbukas! Kinagat ko. Mag-isa. All By Myself. Dun ko natutunan ang Independence; sa pagbubukas ng Knick Knacks.

Pangatlo, kinuha ko isa-isa ang mga biskwit na korteng isda na nababalutan ng tsokolate. Ewan ko ba basta maamoy ko ang tsokolate, nahihibang ako. Daig ko pa ang nakadroga. Bunga ng pagkahibang ay isasalansan ko isa-isa ang mga isda sa bangko, sa papag, sa plato. Pagagapangin sila isa-isa na animo ay may buhay at kapag lumala pa ang pagtitrip ko, pag-uusapin ko ang mga isda. Kapag napagod na sila mag-usap, pati ako nakikipag-usap! Pagnapansin ni nanay na wala nang kawawaan ang pagiisda-isdaan ko, "Dervi, mag-aral ka na magsulat. Gamitin mo ang gamit ng kuya mo, sa pasukan, mag-aaral ka na rin."

"Mamaya na!", sutil na bata.

Pang-apat. Susunod naman ako kay nanay. Napakabait ng aking nanay. Ni minsan, di ako nakatikim ng palo sa kanya. Kahit lahat ng mga gamit sa bahay ay pinagbali-baligtad ko na. Pag di na sya abala sa mga demands ng tatay ko, makikipaglaro pa sya sakin, yayakapin ako, at dadalhin sa iba-ibang mundo sa pamamagitan ng makukulay nyang mga kwento at ngiting di ko pa nakikita sa mga babaeng nakasalamuha ko at nakilala ko. Sabay hawi sa buhok ko. Alam ko kapag gusto na akong patulugin ni nanay, yung 10 dulo ng mga daliri nya ay pagagapangin nya sa gilid ng aking mumunting mukha. Maniningkit naman ang aking mga mata. Pero kahit papikit na ako ay sesenyas pa rin sa inihanda nyang maligamgam kong Milo. Buong pasensya itong ipapainom sakin ni nanay kahit alam kong pagod din sya. Tapos, ihihilig ko ang aking mukha sa kanyang bisig. Gustong-gusto kong dumadampi ang pisngi ko sa malamig-lamig nyang piling.

Hindi alam ni nanay na mababaw lang ang tulog ko kaya alam kong tumayo din sya. Nag-aagaw na rin naman ang antok ko pero namamasdan ko kahit papaano ang pagliligpit nyang punung-puno ng pag-ibig. Maging ang pagtingin nya sa mga sulat ko at mga drawing.

Panglima. Nakatulog na ko nung mailigpit ni inay ang ilan sa di ko naubos na isdang napagtripan. Nakangawitan ko na siguro. Kasi naman, matapos kong mapaglaruan ang mga tsokolateng isda ay isa-isa ko iyong sisipsipin. Sige. Sipsip. Sipsip lang ng sipsip. Curious kasi ako kung pagkatapos ng balot na tsokolate, ano kaya ang tunay na itsura ng isda. Bukod pa r'on iba talaga ang namnam ng lasa ng Knick Knacks kapag kinakain mo ng dahan-dahan. Enjoy. Ang sarap. Lalo na't bago ko ito nakamit ay aking pinagdusahan.

Ang sarap talaga ng Knick Knacks lalo na kapag kinain mo ito sa panahon ng kamusmusan. Sa mga panahong bata ka pa at walang hanggan ang oras.

Ang haba pala ng pila sa Basket Lane sa grocery. Grabe.

Bumalik na ang diwa ko sa magulo at nagmamadaling mundo.

Pag-uwi ko, agad kong binuksan ang Knick Knacks! Ganun pa rin sya, ang galing! Walang pinagbago. Kapag muli mong natikman ang pagkain ng nakaraan, para ka na ring dagliang bumalik sa maliligayang panahon ng kamusmusan. Kaya lang iba na. Hindi na magical. Nabawasan na ang thrill at wala na rin si Inay na pasimpleng kumakain ng aking natirang Knick Knacks habang masayang tumitingin sa aking mga gawa at pinaghirapan. Matamis pa rin si Knick Knacks ngunit mas buo pa sana ang lasa nito kung andiyan pa rin si Inay sa ganitong panahon na mas may pambili na ko ng Knick Knacks at mas marami na kong kayang gawin kaysa dati.

03032013

No comments:

Post a Comment